Naranasan mo na ba yung bigla ka na lang mahihinto sa ginagawa mo at tatanaw sa kung ano na wala naman sa harap mo? Kagabi, habang nagtatrabaho ako, bigla na lang akong natitigil sa ginagawa ko. Hindi ako makapag-isip ng diretso, kanya lumabas ako para maglakad. Sabi ko, tutal break time magpapahangin muna ako.
Duon tumambad sa akin ang kasagutan, sa kawalan. Para bang ang lahat ay biglang tumatawag ng aking pansin. Ang tahimik na pagmamasid ng higanteng tower ng array antennas sa harap, ang lupaypay na sanga ng mga acaciang nakapaligid, ang huni ng mga cicada, ang walang-tigil na pag-ugong ng malalaking A.H.U.`s (air-handling units), ang biglang ubo ng sikyu sa malayung banda ng parking lot. Sa gitna ng lahat ng ito, hindi mapalagay ang dibdib ko. Pakiramdam ko`y nag-iisa ako, na hindi ako kabahagi sa paligid na ginagalawan ko. Napatingin ako sa langit, umaasang makakita ng sagot o kahit bahid man lang ng katibayan na may nakikinig sa mga panalangin ko. Pero tulad ko, madilim at malungkot ito. Sa pagtitig ko sa kawalan nito, duon ako nakaramdam ng konting takot. Ayoko ng ganoon, naisip ko. Ayokong mag-mistulang langit ng kawalan. Dahil ang ibig sabihin ng 'wala’ ay dalawa lang – umpisa, o kaya`y hangganan. Saan nga ba nanggaling ang lahat kundi sa 'wala'. Duon din babalik ang lahat, sa 'wala'.
Kagabi ay una sa dalawang gabing umuwi ako na wala ang asawa ko. Halos isang taon na akong umuuwi sa kanya. Naalala ko tuloy ang suyo ko sa kanya nuon. Sabi ko, pangarap ko na umuwi sa kanya, matulog na yakap s`ya at gumising sa halik n`ya. Natupad naman ang lahat ng iyon. Ayokong mahinto ang pangarap, kanya napupuno ng pangamba ang puso ko sa tuwing nalalayo kami sa isa`t -isa. Pangamba ko, baka hudyat na ito ng hangganan -- `dangkasi`y wala s`ya.
No comments:
Post a Comment