Limang Piso
Ano nga ba ang meron sa dibdib ko at parang mamon ang puso ko? Ano ba ang nandito sa puso ko at nasasaktan ito sa paghihirap na nakikita ng mga mata ko? Ano nga ba't napapaluha ako kapag naririnig ko ang mga iyak ng mga batang lansangan. Anong nagtutulak dito na magalit kapag may namasdan itong mali, isang sitwasyong hindi naman dapat nangyayari kung ang lahat sa lipunan ay makatarungang.
Pauwi na kami nuon ng mapansin ko yung mamang tumatawag ng pasahero. Barker ang tawag nila sa mga tulad n`ya. Medyo matagal pang mapupuno ang jeep, kanya napagmasdan ko ng mabuti yung mama. Sa tantya ko, mga treinta`y sinko pa lang yung mama. Nakapalipit paloob ang kanang kamay n`ya, naka 45-degree angle sa braso n`ya. Ang kanang paa naman n`ya`y tuwid na tuwid at hindi n`ya mabali. Hirap na hirap s`yang maglakad. Nakangiwi ang bibig n`ya at hirap din s`yang magsalita. Para s`yang pasyenteng nagre-recover pa lang sa stroke.
Pero nandun s`ya, alas-11 na ng gabi, tumatawag ng pasahero. Kahit gaano kahirap, pilit `syang tumatawag ng pasahero. Marahil, naisip ko, hindi s`ya binibigyan ng pagkakataon ng mga ibang barker sa umaga. Malakas nga naman ang kita sa umaga. Kanya heto s`ya at binubuno ang puyat at lamig para kumita ng barya.
Biglang naputol ang iniisip ko ng mag-umpisa ng umandar ang jeep na sinasakyan namin. Dali-daling lumakad yung mamang barker papunta dun sa tabi ng driver (hindi nga naman n`ya kakayaning tumakbo dahil sa kundisyon n`ya). Inabutan sya ng limang piso nung driver . Biglang lumiwanag ang mukha nung mama at ngumiti s`ya. Hindi na n`ya kailangang magpasalamat. Kitang-kita na ang tuwa sa kanyang mukha. Pero mahaba pa ang gabi. Kinawayan n`ya ang jeep na susunod sa pila.
Sa kalagitnaan ng samu't-saring kulay ng malalanding ilaw ng Fields Ave., naikukubli ng kasaganaan at saya ang mga naghihikahos. Wala itong pinagkaiba sa mas malaking mundong ginagalawan nating lahat. Paano natin nagagawang magdasal sa langit ng mas marami pang yaman, habang napakaraming mas hikahos kaysa sa atin ang nasisiyahan na kumita ng kahit limang piso lang. Paano natin nasisikmura ang maghangad ng cell phone na magara, gayong ang halagang katumbas ng pagbili nuon ay pwede ng magpakain ng ilang-daang batang lansangan? Paano natin natitiis ang mga natutulog sa daan? Ang mga walang mauwian? Paano nga ba?
No comments:
Post a Comment