Kaninang pauwi ako, nakapagmasid ako ng mabuti. Bihira kong makita ang gayong mukha ng siyudad -- malungkot at madilim na mukha niya. Pagod na ako kanina. Kulang kasi sa tulog.
'Dangkasi naman eh gumising ako kaninang ala-1 ng hapon para makipagkita sa isang frat brod na bumisita. Nagkita kami sa National Bookstore sa may Nepo. May titingnan din kasi akong magasin kanya ti-next kong dun na lang kami magkita. Tumingin kami ng ilang libro.Maraming bago pero wala sa budget ko ang pambili ng bagong aalikabukin sa bookshelf ko. Kumuha na lang ako ng lumang isyu ng PC World. Pagkatapos ay tumulak na kami papuntang AUF Medical. Duon, pinuntahan namin ang isa pa naming brod na doctor. Nagkasundo kaming mag-miryenda muna sa Razon's (dahil kasama ni doc ang anak n'ya). Ayus naman ang t'yempo, kase matagal ko na ring nami-miss ang halo-halo ng Razon's. Pagkatapos kumain, (at dahil wala na kaming maisip gawin) nagpunta na lang kami sa Diamond Park sa may Balibago.
Medyo naiilang lang ako nung nandun na kami. Kasi nagbago na rin ang paligid ng park. Kung'di sari-sari store na may mga mesa sa harap, eh barbekyuhan (sosyal at masa) na may maingay na sounds ang makikita mong nakapalibut sa parke. Drinker's haven, ika 'nga. Kilala na rin ang lugar na ito na tambayan ng mga kolehiyalang sumasama sa kahit sinong may kotse. May bayaran, may "trip lang." Marami-rami na rin kasing "tagpuan" na nagsulputang parang mga kabute sa iba-ibang kalye sa paligid ng parke.
Nang dumating kami dun, nag-uumpisa nang mag-ronda ang ilang truck na nagde-deliver ng tube ice at beer. Ganun ang athmosphere. Kanya medyo alangan ako. Tatlo pa naman kaming lalake na may kasamang isang 6-year old. Para kaming Three Men and a Baby - hehehe. Nagtambay na lang kami sa isang sulok ng parke na may swings at slide. Naglaro na lang dun si Aina na may tatlong pares ng matang nakabantay sa kanya. Habang abala ang bata, nagkwentuhan kami.
Marami nang nangyari sa aming tatlo. Nag-asawa na ako, kwento ko. Ang isa, inaalala na kung papayagan na n'yang pumasok sa sorority namin ang panganay n'ya. Nangingibabaw kasi ang pagiging protective father n'ya, kahit na gusto na n'yang maging Sis ang anak n'ya. Si doc naman, kinuwento ang lagay ng kasong nilalakad n'ya. Kinuwento n'ya ang nangyari sa kanilang mag-asawa, isang kuwentong narinig ko na ng may ilang-pung beses mula sa mga brod. Mas brutal pa rin talaga ang istorya kung galing sa mismong nasaktan. Pero nakinig ako ng bukas ang puso ko. Nakabubuti kasi sa isang gaya n'ya ang magkwento. Naiibsan ang sakit, kahit papaano. Parang 'yung mga namatayan sa isang burol na ilang ulit kinukwento kung paano namatay 'yung pinagbuburulan. Therapeutic kasi 'yun. Galing na ako duon, kaya alam ko kung gaano ka-importanteng may makinig sa iyo habang kinukwento mo kung gaano kasakit sa loob ang nangyari. Bawi naman, kahit papaano. Kasi sabay-sabay naming nilantakan ang barbekyu at nilagok ang Mountain Dew na binili namin. Sabi nga nung isa, "pwede naman pala nating gawin ito kahit walang inom." Walang inom ngayon-hehehe. Natawa nga ako nang maisip kong, 'di ba't mga babae ang madalas gumgawa neto -- ang magsabihan ng problema habang kumakain? Hehehe.
Itutuloy........
No comments:
Post a Comment