Monday, September 1, 2003

Sana, mas madaling mag-blog. Yung tipong talagang spontaneous. Baka sabihin n'yo, "Paano naman mangyayari 'yun, aber?"

Simple lang. Kapag pwede nang mag-blog mula sa utak mo. Tipong mala-Matrix na pwede kang kumonekta sa networks at ang ginagamit mong browser eh ang utak mo. Nga lang mas mataas ang pangarap ko. Mas maganda yun kung hindi ka na maghahanap ng hardwire connection at hindi mo na kailangan magsaksak ng kableng pang-T1 connection (anlaki nun!) dyan sa batok mo. Mas maganda kung wireless ang connection. 'Di ba? Tapos lahat ng mental note mo eh pwede mong i-post bilang entry sa blog mo.

Kailangan 'nga lang ng ingat sa parte mo. Kase baka lahat ng sikreto mo eh maisiwalat mo nang lahat. Baka pati ang seret ingredient mo sa sinigang sa bayabas na minana mo pa sa lola mo sa talampakan eh malaman ng madlang tao. Sayang, magagamit mong pang-impress sa dinidigahan mong chick yun!

Siguro nagtataka kayo kung baket naisip ko 'yan. Kasi naman sa araw-araw na lang na nilalang ng diyos, andami kong naiisip na isulat. Andami ko ring ideyang click naman talaga. Andaming pwedeng i-blog. Iba-ibang pagkakataon kung umatake ang inspirasyon. Kadalasan, sa jeep, ke traffic o mabilis ang takbo. Madalas din kung naglalakad, lalu na kapag depressed ka. Eh, 'naknangtortangtalong, kapag naharap ka na sa keyboard, parang usok na tinangay ng hangin yung mga naisip mo. Hindi mo maalala. Maski anggulo ng istoryang binalangkas mo ng pagkatagal-tagal sa nakayayamot na traffic eh biglang malilimot ng ganun-ganun na lang. Manghihinayang ka talaga sa tuwing mahaharap ka sa monitor. Tuloy, nauuwi sa chat ang lahat. Nasasayang tuloy ang talent ko (hehehe -- kung meron man).

O, s'ya. Mag-a-update pa ako ng buddy list. Baboosh! :c)

No comments: