Nagsimula ang lahat ng tingnan ako ng mata-sa-mata ng isang Isabel Granada. Naghihintay ako nuon sa pila sa City Hall. Mahaba ang pila, mainit, malapit na akong magkaputok sa pawis ko. Para kaming sinisilaban sa pila dahil nakatutok sa amin ang palubog ng araw. Nakaka-wrinkles pala ang mabilad sa setting sun pagkatapos mong magtrabaho ng walong napakahabang oras. Malapit nang magsara ang Civil Registrar, hindi ko pa nakukuha ang "Certified Xerox Copy" na ni-request ko mga isa't kalahating oras na ang nakararaan. Imbyerna na talaga ako.
Kanya ng makita ko si Isabel Granada, hindi ako makapaniwalang s`ya `yun. Nag-rationalize ang isip ko na hindi s`ya `yun. Baka mirage? Yung nai-imagine mo kapag nasa disyerto ka. Parang kapag nag-imagine ka ng isang malamig na baso ng tubig sa gitna ng tuyo na disyerto, o kaya'y mainit na fishball na hitik sa maanghang na sauce sa gitna ng kasosyalan ng café ng Manila Hotel.
Kanya inisip ko na isa lang `yung sexy starlet na kahawig nya. May future sa showbiz ang hitad kung iintrigahin ng maldita ang big star na kahawig nya. Tipong "don't compare us, mas talented ako sa kanya...", at kung ano-ano pang chuva.
Pero, kahawig talaga. Mata n`ya `yun, eh. Sa loob ng dalawang segundo na napatitig s`ya sa mga mata ko, parang bumagal ang mundo. Binigyan ko s`ya ng isa sa mga malalagkit kong titig na nagsasabing angkinin na n`ya ako. Pero sa huling sandali, nag-hesitate ako. Naisip ko, malamang hindi s'ya `yun. Baka isipin ng hitad, interesado ako sa kanya. Gumawi palayo ang titig ko. Hindi s`ya ganon ka-porma, kanya malamang hindi s'ya. Bigla kong naramdaman ang siko ni Remedios sa tadyang ko. Tinatanong kung gutom na talaga ako. Baka daw gusto ko munang kumain. Bigla kong naalala, kanina ko pa pala sinasabing gutom ako. Bumaba ulit ako sa lupa. Nangangasim na nga ang sikmura ko.
Naudlot ang drama ko nang magkagulo na sa opisinang pinuntahan namin at dumami bigla ang mga usyusero. Duon ko na-realize na siya nga 'yun. Si Isabel Granada, bulungan ang mga dumaraan sa harapan ng pila. Kumukuha pala ng Marriage License ang hitad. Dumiretso ba naman sa mismong Civil Registrar. Kanya ayun, lalu nang bumagal ang pag-process nila sa Birth Certificate na nire-request ko. Lahat na yata ng tao dun sa loob sumilip sa opisina ng boss nila para lang makawayan ni Isabel. Napabulong tuloy ako ng mura, "Taena, wala nang mangyayari dito. Shet!"
Sumisidhi na sana ang galit ko nang biglang tawagin ang pangalan ko. Sa wakas, pagkatapos ng dalawang oras. Muntik ko nang hablutin yung xerox copy ng birth certificate dun sa kamay nung mama. "Bayaran mo sa Window 1," sabi nung mama. "Anaknang... ," hindi ko napigilang mag-react. Ako na nga ang pinaghintay, ako pa ang tatarayan ng panget na `to.
Nung nagbabayad na ako, duon s`ya lumabas ulit. Si Isabel, paalis na s`ya. Kumaway s`ya sa direksyon ko. Muntik na akong kumaway pasagot. Pinigil ko ang kamay ko nang mapansin kong kumakaway ang mga kumag na katabi ko. Mukhang ngayon lang sila nakakita ng artista. Kawawa naman sila.
Maganda nga s`ya, kahit panget ang suot n`yang tank top na dark teal at pantalong off-white. Taena, nahawa na ako sa misis ko. Dati kapag color ang pinag-uusapan, light at dark lang ang gamit kong pang-describe ng color. May pa-teal-teal pa ako ngayon.
"Mister, sukli mo," sabat nung matandang dalaga na cashier ng Window 1. Balik ulit ako sa lupa. Paglingon ko, wala na si Isabel. Kinuha ko ang sukli. Kulang na ang pera ko para pamasahe sa jeep. "Tara," sabi ko sa misis ko. "Libre mo ako ng steak, ha? Chaka share tayo dun sa garden salad, neh?" Ngumiti si misis, sabay akbay sa akin.
Taena. Panget pala si Isabel Granada.
No comments:
Post a Comment