Bahagyang pumapasok ang liwanag sa isang malapit na bintana. Maulap ang langit, pero maliwanag ang hapon. Nandun ako, nakaupo sa banko, naghihintay ng kung ano. Pagod. Di ko alam kung bakit...
Nakita kita. Pababa ka. Nagsalubong ang tingin natin. Napatigil ka. Ngumiti ka nang makilala mo ako. Nagkataon na parehong maganda bihis natin. May pormal na okasyon?
Naupo ka sa tabi ko. Matagal na tayong di nagkikita. Akalain mong dito pa tayo magkakasalubong? Nagkwento ka. Mahaba ang kwento. Maraming kwento. Ano na nga ba ang mga nangyari simula nang huli tayong nagkita? Naramdaman ko ang inip. Pero masaya ako nagkita tayo kahit papaano. Naisip ko, magkikita pa kaya tayo ulit?
Napatingin ako sa liwanag na banayad na pumapasok sa malapit na bintana...
Iminulat ko ang mga mata ko. Bumalik na ako sa realidad ko.
Kung minsan naiisip ko, ano kaya kung totoong hindi lang iisa ang realidad. Na ang realidad na alam natin ay isa lamang sa napakaraming hibla ng realidad ng isang napakalaking telang tinatawag nating sansinukob. Na ang panaginip ay ang eksatong sandali nagkikita ang dalawa sa maraming hiblang yaon at nasisilip natin ito. Ano kaya?
No comments:
Post a Comment