Sa paghahanap ko ng parking space kaninang tanghali, nagawi ako sa side park ng Bayanihan Park. Nasa gawing kaliwa ito ng main park kung ang punta mo ay sa SM o 'di kaya'y sa Main Gate ng Clark. May maliit na daan sa likuran nito na nasisilungan ng malalaking puno ng acacia. Dinala ko duon ang anak ko habang hinihintay namin ang misis ko na nagpatingin sa Gynecologist n'yang nagki-clinic ng 'di-kalayuan sa lugar na 'yon. Habang binabantayan ko si Matt sa kanyang palipat-lipat na pagsakay sa mga swing at slide, napansin ko na marami rin palang taong nagagawi du'n sa maliit na park na 'yon.
Malaki na kasi nagbago simula ng magbigay ng donation si Henry Sy para pagandahin ang lugar na bubungad sa mga mamimili na papuntang SM. Napaayos na ang Bayanihan Park, kumpleto pati landscaping at mini-playgrounds na nagkalat sa buong lawak ng park. Ang side park naman ay nakadikit sa gawing likuran ng napakahabang linya ng mga stalls na (sabi ng maraming taga-rito) eh kumukubli sa Fields Ave., ang daang dinadayo ng mga puti at banyagang naghahanap ng gudtaym.
Sa mga taong nagduon sa side park, karamihan ay nagpapalipas ng oras habang lunchbreak. May isang grupo ng estudyanteng nagaargumento tungkol sa kanilang assignment sa isang picnic table sa may 'di-kalayuan. Ang ibang kasamahan nila eh nakasakay sa mga swing at seesaw. May isang nag-iisang dalagang mukhang naiinip, nakaupo sa isa pang park table, hawak ang folder sa kaliwang kamay habang tila nakatingin sa kung saang napakalayung lugar.
May isang mamang nakaupo sa gilid ng malaking plant box. Nakasuot s'ya ng lumang di-kwelyong t-shirt at kupas na pantalong seda. May hawak s'yang mas kupas na payong. Panay ang paghimas n'ya sa kanyang noo at paghawak sa ilong. Malungkot ang mga mata n'ya at tila balisang palipat-lipat ang kanyang tingin sa likod at gawing kanan n'ya. May ibang ale't mamang kanya-kanya na ng pwesto sa pagtulog sa mga nagkalat na park bench at plant box. Mayroon ding grupo ng 5 batang may kanya-kanyang dalang sako na puno ng plastic at karton. Nag-aagawan sa sila sa mga swing sa may gawing kaliwa namin. Siguro, ito na ang lunch break nila. Todo laro, para maibsan ang gutom.
May isang tricycle din dumating, at nabigla ako ng nagbabaan ang laman n'yang anim na bata at mga magulang nila. Ang dalwang ale may kanya-kanya pang kalong na bata maliban du'n sa anim na nauna nang nagtakbuhan papunta sa mga swing. Ang mga asawa nila, may bitbit din. Ang isa may dalang kumot at maliliit na unan, marahil para sa mga bata kapag napagod na sila. Ang isa naman, may dalang Selecta Non-Stop sa kaliwang kamay at bitbit na medium bilao ng Susie's Pancit sa kanan.
Iba-ibang istorya, iba-ibang pinang-galingan, iba-ibang patutunguhan. Lahat kami may kanya-kanyang baon na pakahulugan sa lungkot. Lahat kami may kanya-kanyang ideya kung ano ang saya. May mas pinalad sa amin, may mas kaawa-awa. Pero iisa ang pinunta namin duon. Naghahanap kami ng masisilungan sa gitna ng kaguluhan ng syudad na ito.
Nang mag-text ang misis ko na pabalik na s'ya, inaya ko na si Matt. "Uwi na tayo.." ang sabi ko. Ngumiti s'ya. Mabuti pa ang mga bata, buo sa kanilang puso ang kahulugan ng kasiyahan. Tiyak sila kung ano ito.
Get a sneak peek of the all-new AOL.com.
No comments:
Post a Comment