Sakay ng jeep pauwi, sinikap kong humanap ng pagtutuonan ng atensyon. Kaysa mabagot sa nakaririnding traffic, tumingin na lamang ako sa mga sidewalk na dinadaanan namin.
Naisip ko tuloy, ano kaya ang pakiramdam kung ako sila?
Tumingala ako at nakita kong nakadungaw sa ikatlong palapag ng isang lumang building ang isang katiwala ng gym. Isa iyon sa maraming gym na nagsisulputan sa buong lungsod. Kadalasan, nasa pinakamataas na palapag sila ng mga lumang gusali. Marahil yung na lamang ang natitirang murang lugar sa masikip na siyudad. Nakabantay s'ya sa daan sa ibaba, tila nagpapalipas ng oras habang hinihintay matapos ang mangilan-ilang parukyanong hindi pa tapos pakainin ang naglalakihan nilang mga ego.
May mamang nakatayo sa tabi ng isang tricycle na nakaparada sa harap ng isang children's clinic. Marahan niyang hinihithit sigarilyo n'ya, seryosong pinag-aaralan ang mga guhit ng simyentong kinatatayuan n'ya. Malala kaya ang sakit ng hinihintay nyang pasyente? O inaalala nya kung saan nya kukunin ang pambili ng almusal bukas dahil ginasta na nya ang pambayad sa duktor ng bata?
May mamang nagtitinda ng buko at fishball sa harap ng parking lot ng Puregold. Tila tulala na s'ya. Nakatuon ang mga mata sa daang puno ng naggigitgitang sasakyan, pero parang wala s'yang nakikita. Hindi n'ya alintana ang minsa'y nakabibinging busina ng mga ito. Medyo nahimasmasan lang s'ya nang may mangulit na bumibili ng buko.
May driver na nakasubsob sa harapan ng isang lumang kotse. '79 Galant, kung hindi ako nagkakamali. Malamang nasiraan ito. Alanganin kasi ang pagkakaparada nito sa harap ng dating Rosie's Diner. Madilim na kasi ngayon duon simula nang isara ang diner, kanya hindi mo pipiliing pumarada duon. Halatang hirap na hirap ang pobreng mama na ilawan ang makinang tila bumigay na sa tanda. Sa loob ng kotse, tuloy-tuloy ang paglalaro ng may anim na batang maliliit. Mukhang iritado ng ang dalawang babaeng nagbabantay sa mga ito.
Sa harap ng Jenra, tuloy pa rin ang patintero ng mga jeep at mga traffic enforcer. Sa una eh nanduon sa may kanto ang mga kawawang enforcer, kumakaway at pumipito para hindi duon huminto ang mga jeep. Magta-traffic nga naman kasi dahil kanto 'yun. Ang mga jeepney driver naman, parang nanunuyang lalampas mga 3 o 5-metro lampas n'ya eh paparada na. Syempre, lalapitan n'ya hangang umusad sila paunit-unti sa tamang babaan at sakayan may 20-metro ang layo sa kanto. Kapag nakita ng paparating na mga driver na nasa malayu ang enforcer, duon na naman sila paparada sa mismong kanto. Lalapit ang enforcer na maghapon nang nagbilad sa lansangan. Halatang sa mga oras na 'yun eh nabuburyon na s'ya. Dangkasi, duon na naman uulit ang pabalik-balik n'ya, hangang maubos ang traffic.
Ang driver na lang ng sinasakyan kong jeepney ay isa sa mga pinaka-iiwasan ko. Ang jeep na waluhan ang bawat gilid eh pilit pinasasakyan ng dalawampung tao. Bastos s'yang sumagot sa pasahero. Kulang manukli at aburido kung kulang ang inabot na pasahe ng kahit singkwenta sentimos lang. Tumitigil sa lahat ng madaanang kanto. Paano kaya ang maging katulad n'ya? Bakit kaya n'ya ginagawa ang ginagawa n'ya? Likas ba s'yang abusado o naging ganun na lamang s'ya dahil sa pakikitungo ng mundo sa kanya?
'Yun kayang mga dinaanan ko? Paano kaya ang maging katulad nila? Bakit kaya nila ginagawa ang ginagawa nila? Ano kaya ang pakiramdam ng maging sila?
Nang pumara ako sa kanto ng subdivision na inuuwian ko, napansin ko ang kakaibang tahimik nito. Walang gaanong ingay dito, 'di tulad ng syudad na pinanggalingan ko. Pinaghihiwalay lang ng ilang kilometro pero parang isang mundo ang pinagkalayo sa masalimuot na siyudad ng Angeles. Habang patawid ay inipit ko sa ilalim ng braso ko ang tangan kong PC World Magazine. Naisip ko tuloy masuwerte pa rin ako. Magaan ang trabaho ko. Medyo kalakihan na rin ang sweldo. May sapat akong pambayad ng bubong na sinisilungan. Nakakain ko ang gusto ko. Umuuwi ako sa isang mas tahimik na lugar (bagama't salat sa ilawang poste). May naghihintay sa akin sa bawat pag-uwi ko. Nakabibili ako ang PC World at alinman sa may isang dosenang babasahing sinusubaybayan ko. Masarap maging ako.
Salamat sa Diyos. :-))
No comments:
Post a Comment