Friday, April 16, 2004

Ilang araw na rin akong hindi makatulog. Napakadaling sabihing ito'y natural na epekto ng pagtatrabaho sa gabi. 'Nga lang, kakaiba ang mga nakaraang mga araw.

Sa buhay kasi ng tao'y hindi maikakailang may panahong darating ng kukwestyunin mo ang katuturan ng pagkakalalang mo. Mahirap isiping wala kang silbi sa isang mundong puno ng napakaraming gawaiin. Abala ang lahat, totoo. Pero ang pagiging abala ba nila ay may patutunguhan liban sa mga layunin dikta ng mas malawak na lipunan? Kung minsan, naiisip ko tuloy na para na lamang tayong "drones", o mga aliping bubuyog. Sumusunod na lamang tayo sa agos, walang sariling katuturan maliban sa sabihing tayo'y bahagi ng mas malaking lipunan at ito ang ating katuturan.

Tulad ko. Ano ba ang katuturan ko? Sino ba ako? Madaling sagutin kung minsan. "Nandito ako para yumaman, makaroon ng maraming anak at tagapagmana. Nandito ako para kilalanin ng aking mga katunggali bilang pinakamagaling at pinakamahusay! Ako si *ilagay ang pangalan* ! "

Pero nagiging masalimuot ang sagot sa mga katanungang 'yan kung iikot sa loob ng nalilito nang isip. Sino nga ba ako?