Sunday, November 16, 2003

Naalala ko na ganitong panahon may anim na taon na ang nakakaraan nang kausapin ako ng bunso kong kapatid. Ang sabi n'ya'y, "Ang lungkot naman ng pasko natin ngayon.." Patungkol ang sinabi n'ya sa pagkamatay ng ama namin nang Abril at ng kapatid naming si Oliver nang Oktubre ng taong yaon. Pagkaraan ng ilang linggo ng pag-uusap naming 'yun, namatay din ang bunso kong kapatid. Hanggang ngayon, may mga araw na bigla ko na lang silang naaalala.

Hindi naman nawawala ang sakit na dulot ng pagkawala nila. Natututunan lamang nating maging manhid sa sakit. Natututunan lang nating itago ang sakit sa kung saan lihim na sulok ng puso. Ngunit dali-dali itong manunumbalik tuwing may isang halos malimot na ala-alang sasagi sa isip mo. Tulad halimbawa ng, " Ang lungkot naman ng pasko...."

No comments: