Nang magising ako kaninang umaga, parang may mali na hindi ko mawari. Nag-umpisa 'yun sa panaginip na gumising sa akin. Nandudon raw ako sa bahay ng ka-opisina kong si Jovy. Madilim ang paligid, maliban sa liwanag na nanggagaling sa monitor ng lumang computer na ginagamit kong pang-Internet. Nakaharap ako sa monitor na parang walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid. Wala na raw si Jovy at tulog na. Ang naiwan na lang na gising ay ako at ang tatay n'ya. Tuluy, nilapitan ako ng tatay n`ya at nagtanong ito. Hindi naintindihan ng tainga ko ang salitang ginamit n`ya, pero malinaw sa isip ko tinatanong n'ya. Hindi pa raw ba ako matutulog? Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako pwedeng matulog duon dahil hindi ko bahay 'yun. Duon na ako nagising.
Pagkagising ko ay napabalikwas ako. Pupunta nga pala ako sa doktor ko. Tanghali na, 10:30 na pala. Kailangan kong makarating sa ospital bago ala-1 para mauna ako sa pila. Pumanaog na ako sa baba at dali-daling uminom ng gamot. Isang oras kasi ang hihintayin ko pagkainom ko nito, bago ako kakain. Nag-banyo na tuluy ako habang hinihintay ko ang isang oras. Pagkatapos magbihis at kumain, nagmamadali akong umalis.
Isipin n'yo na lang ang pagkayamot ko nang dumating ako at ang bumati sa akin ay isang notice sa pinto ng kwarto ng doktor. Ang sabi eh isang linggo s'yang wala, may conference daw. Nampucha! Napagod lang ako. Lumabas na lang ako ng ospital at bumili ng isang bote ng tubig. Nakalimutan kong magdala ng tubig sa pagmamadali ko. Kasi, kapag bigla akong ginutom, kakain ako ng Graham crackers. Eh, ang hirap lunukin nun kung walang panulak. Kanya panay ang baon ko ng tubig.
Pagkatapos makabili ng tubig, sumakay na ako sa isang jeep papuntang maingate ng Clarkfield. Susunduin ko na lang ang misis ko. Pamatay oras ang byahe. Nadaan ang jeep sa may Casino Filipino. Huminto ito sa harapan nuon para magbaba ng pasahero. Patapos na pala ang Casino. Sa tuwing dadaan ako duon, hindi ko mapigilang mangilabot sa sa mga naglalakihang rebulto sa harapan ng 200-talampakang gusali nito. Ang isa ay tikbalang, ang isa'y taong-kalabaw na may nakatayong nuno sa balikat. Paano ka ba naman hindi kikilabutan n'un, sa dinami-dami ng pwede nilang gamiting theme eh lamam lupa ang mga pinili nila. Mistula tuluy Temple of Doom ang dating nito, lalu na't ang tanging daanan papasok eh isang 50-talampakang hagdanan. Naisip ko tuluy na kahawig nito 'yung mga bahagdan ng mga makasaysayang templo ng mga Inca, 'yung pinagdadausan nila ng human sacrifice. Hinihintay ko na nga lang may kumanta ng, "Ho-shige-shige, Ho-shige-shige, Um-de, Fumaley-ar!..."
Ilang sandali pa'y umusad na ulit ang jeep. Sa bandang Fields Avenue, may nakisakay na ale. Akala ko eh masosolo ko ang upuan sa harap. Pumorma siyang sasampa, kanya umusog ako sa tabi ng driver. Dangkasi naman, ang luwang na sa likod at walang pasahero,nakitabi pa s'ya sa harap. OK lang sana, kasi chick naman 'yung nakitabi. Ang kaso eh muntik ko nang napalo ng palad ko ang noo ko. Ang suot nung ale eh shorts na kulay aquamarine. Isinuot n'ya 'yun sa ibabaw ng isang pares ng cycling shorts na alanganing fuschia-alanganing pink (pareho lang ba 'yun?). Nang umandar na ang jeep, pumaimbalot sa amin ang halimuyak ng Nenuco. Napangiwi ako. Buti na lang hindi ako nakita nang katabi ko. Busy s'yang dumudukot ng barya sa coin purse n'ya. May 30-anyos na yata 'yung ale, Nenuco pa ang pabango n'ya. Naalibadbaran tuloy ako. Buti na lang at mabilis ang jeep. Kung hindi, humingi na ako ng saklolo kay Shaider.
No comments:
Post a Comment