Saturday, March 29, 2003

Kaninang umaga, inayos ko ang crib ng anak ko. Maliit na kasi yung bassinet para sa kanya. Nung una, Graco playpen na may bassinet sana ang bibilhin namin. Nampucha, P7,000 ba naman. Eh kahit na ba portable at foldable pa 'yun, eh sobra naman ang presyo. 'Yun ngang pinsan ko na naka-abroad ang asawa namamahalan pa 'dun, ako pa kayang pobre? (Drama, ano?)

Tuloy ang binili na lang namin eh P3,500 na playpen na gawa ng Vera's Furniture. Lokal at gawa sa aluminum, pero may crib na maliit s'yang dumuduyan-duyan sa gitna. Ibinili ko na lang ng sangkatutak na baby wipes at disposable diaper ang natipid naming P3,500.

Medyo masikip na kasi yung duyan para kay baby. Six months na kasi ang munting damuho ko, at naglililikot na. Atat na kasing gumapang ang loko. Kanya kaninang umaga inalis ko na 'yung munting duyan, para lumuwang ang lugar n'ya. Pagkatapos, tinanggal ko rin 'yung lapag nung playpen mismo. Pwede palang ilapat yung ilalim n'ya sa may bandang gitna ng frame, para hindi masyadong malalim. Ayos, 'di ba? A playpen that grows with my baby's need. Hehehe. Tiyagaan lang nga, kasi aluminum ang buong frame ng playpen at sandamakmak na screw ang tinanggal at kinabit ko para lang maayos ko sa gusto kong taas yung lapag ng crib.

Nang matapos ako, nilagay ni ermats ko yung bagong labang kutson sa crib. OK na. Pwede nang sumakay si baby. Medyo nanibago yata s'ya nung hiniga namin s'ya sa playpen. Hindi na s'ya bumabalikwas kada 5 seconds. Nakatingin lang s'ya, nagmamasid. Kinuha ko lahat ng laruan sa duyan n'ya. Nilagay ko ang mga 'yun sa mga sulok ng playpen, tulad ng ayos nila sa duyan n'ya. Ayun, naglaro na ulit. Wagi! :D

No comments: